ULAN

 Naaalala ko noon

Kung paanong ang ulan

Na syang aking sinasaliwan
Kasama ang aking mga kaibigan
Masayang nagtatampisawan
Naghahalakhakan, Nagbabasaan
Di iniisip ang kinabukasan
Ang mahalaga ay ang pagkakapisan
Sa gitna ng malakas na buhos ng ulan
Ngiti at galak ang nararamdaman
Alaala ng kabataan
Na babaunin ko kailanman.



Ngunit ngayon
Ang ulan na syang nagbigay saya
Ay tila naging kakaiba
Na sa tuwing papatak ang mga ito
Sa bubungan ng aming bahay
Na sinamahan pa ng malamig na simoy na hangin
Ay sa halip na saya
Tila lungkot ang nadarama
Na kung paano ang madilim na paligid
Ay sumasama sa aking emosyon
Na parang pati katauhan ko ay patuloy na nilalamon
Ng lungkot na buhat ng ulan
Na hindi ko kayang maging produktibo
At walang ganang gumawa ng kahit ano
At nais na lang humilata sa kwarto.


Ganun talaga siguro yun
Sa pagbabago ng panahon
Magbabago rin lahat
Na yung dating nagpapasaya
Ay magiging kakaiba
Na hindi lahat mananatili
Sa kung paano mo ito nawilihan
Dahil katulad ng ulan
Na dati kong nagustuhan
At tila ngayon dala sa aki'y kalungkutan
Nasa bawat patak ng ulan
Ay simbolo rin ng pagpatak ng luha
Na nais kumawala.
Dahil sa lungkot na pinaparamdam ng ulan
At bumabalik rin mga lungkot na alaala
Pwede bang bumalik sa dati?
Kung saan sinasayawan ko ang ulan
At hindi iniiyakan?


Ngunit kung papipiliin ako
Kung ano ang aking paborito
Araw o ulan, alin ang gusto
Ulan pa rin ang pipiliin ko
Dahil ang ulan ang saki'y nagturo
Na may mga bagay man na nagbago
Ang ulan ay nagsisilbing tanda
Na minsan kaylangan kong makita
Na madilim at malungkot man
Ang dala ng ulan
Ay kaylangan ko ring maranasan
Na sayawan ang ulan
Sa lungkot man o kasiyahan
Dahil sa huli ay titila rin ito
At may bahaghari pa rin na matatanaw
Na magdadala ng bagong pag-asa
Upang magpatuloy.
Kaya salamat, ulan
Sa pagsama sa lungkot at saya.
Ibang klase ka. Kakaiba ka.

Comments